i think god is a backend programmer
by Sami Salazar | CIIT College of Arts and Technology
Pinakamahusay na Experimental Film
10:23 | Experimental
Logline: Naglakbay si Juan sa langit kasama ang santong inahin na si Pedro, upang mag-apply bilang isang anghel kay Lourde—ang back-end programmer ng langit, lupa, impyerno, im, im, impyerno
Synopsis: Wala nang buhay si JUAN, M, 24, sa loob ng kabaong—nakapikit, naka camisa de chino, may bulak ang mga butas ng ilong, barya sa magkabilang mata, nakabenda ang panga para hindi ngumanga. Nang biglang may malakas na sermon ang umalingawngaw sa kalangitan. Sa pagkagulat ay mapapatayo si Juan nang dali-dali—nahulog ang barya, tinanggal ang bulak at benda. Tatanawin ni Juan ang kanyang paligid: ang asul na kalangitan na napakalinis, ang nakakasilaw na araw na napakalapit, at ang napakasikip na lupain sa dami ng puno. Aalingawngaw ang tilaok ng manok na tinatawag ang ‘ngalan niya. Hahanapin niya ang pinanggagalingan nito. Babagtasin ni Juan ang kagubatan upang sundan ang pinanggagalingan ng tilaok. Hindi rin nagtagal ang paglalakbay nang matapakan ni Juan ang itlog ni PEDRO, F, 18 WEEKS, ang “SANTONG INAHIN NA TAGAPAGSUNDO NG MGA KALULUWANG LIGAW SA KAGUBATAN NG KABILANG-BUHAY KASI ANG LAKI NITO TSAKA ANDAMING PUNO KAYA MADALING MALIGAW”. Makikilala ni Juan ang Santong Inahin. Sasabihin nitong kanina pa siya hinahanap ni Lourde, lumabas na ang resulta ng kanyang sentensya sa kabilang-buhay. Buhat ni Juan, gagabayan ni Pedro ang kaluluwang ligaw patungo sa maykapal. Hindi mapipigilan ni Pedro ang pagtilaok—tatanungin nito si Juan sa buhay nito. Malalaman ni Pedro nag-iisa lamang si Juan sa buhay. Namayapa na ang magulang nito dahil sa lindol na sumira sa kanilang bahay na mula sa gobyerno—siya lamang ang nakaligtas. Kaya naman noong magkaroon ng lindol muli sa kanilang lugar, hindi siya nag-atubiling iligtas ang batang natrap sa loob ng simbahan na kanyang nadaanan sa pagbebenta ng sorbetes. Pareho silang hindi nakaligtas rito. Hindi nagtagal ay nakita na nila ang lupain kung saan nag-pprogram si Lourde. Ilalapag ni Juan ang inahin upang lapitan ang nilalang. Nang makalapit, tatawagin ni Juan ang atensyon ni Lourde, ngunit hindi agad nito maririning ang tawag sa kanya. Maliban sa napansin nitong magkamukha sila ni Lourde, mapapansin din niya ang sign na “Please Sign of the Cross to Call Me ;)” na kanyang susundan bago niya tuluyang makausap ito. Hihingin ni Lourde ang kanyang pangalan at hahanapin sa kanyang laptop, malalaman nitong hindi pasado si Juan sa langit—i-dedelete na ang kaluluwa niya. Nang tanungin ni Juan kung bakit ganito ang kaso, ipapaliwanag nito na dahil hindi ito naniniwala sa kanya. Susubukan makipag-negosasyon ni Juan sa nilalang, ngunit nanindigan ito na hindi siya mapupunta sa langit. Pinindot na ni Lourde ang delete, unti-unting nag-gglitch at nagiging isang body of code si Juan. Papatabihin nito si Juan dahil may susunod pa sa kanya na sesentensyahan. Si IME, F, 96, isang buwayang mandarambong na kasamang natabunan at namatay sa gumuhong simbahan—isang regular na nagbibigay ng malaking donasyon. Maririnig ni Juan ang paguusap—pauunlakan si Ime ng langit. Dahan-dahang nawawala si Juan, kasama ng pag-aalala sa kanyang mukha habang nakikinig. Unti-unting papalitan ng ngiti ang mukha nito.


Sami Salazar
Sami Salazar is a BMMA–Film student at CIIT College of Arts and Technology with a growing passion for visual storytelling and creative production.
Cast: \- Written: Sami Salazar Co-Directed: Niccolo Marquez, CG Jaromahum, Aldriney Harris 1st Assistant Director: Niccolo Marquez Director of Photography: CG Jaromahum Colorist: CG Jaromahum Producer: Aldriney Harris Sound Designer: Aldriney Harris Associate Producer: Nathan Binoya Production Manager: Karl Villamil Production Designer: Tristan Abrau Art Director: Nathan Del Mundo Film Composer: Nathan Del Mundo Offline Editor: Dylanne Eguia
For general inquiries:
pov@upcinema.org
For submissions and festival-related concerns:
sec@pov.upcinema.org
For sponsorships, partnerships, or collaborations:
marketing@pov.upcinema.org